Pabuya't Sa Dugo't Pawis

ni Ma. Angel Altea M. Esqueta

Nailathala noong October 12, 2024 at 3:37 AM | Pinakahuling na-bago noong October 29, 2024 at 12:08 AM

๐Ÿ‘๏ธ: 8 nakabasa

×




๐˜๐˜จ๐˜ช๐˜ฏ๐˜ถ๐˜ฉ๐˜ช๐˜ต ๐˜ฏ๐˜ช: ๐˜๐˜ญ๐˜ฐ๐˜ณ๐˜ช๐˜ข๐˜ฏ ๐˜Œ๐˜บ๐˜ฅ๐˜ช ๐˜Š. ๐˜™๐˜ข๐˜ฎ๐˜ฐ๐˜ด

Isang karangalan ang matanghal bilang kampeon at magtamo ng gintong tropeyo sa palarong olimpiko, kung saan milyon-milyon ang bumubuhos na gantimpala. Narito naman sa isang banda ang mga bayaning tahimik na iniaalay ang kanilang buhay para sa bayan, ngunit tila ang kanilang sakripisyo ay nalulunod sa ingay ng mga gintong medalya. Ang hustisya ba ng pabuya ay nasusukat lamang sa kinang ng tropeyo, o sa bigat ng buhay na isinakripisyo para sa kapakanan ng nakararami?

Hindi na bago ang pagbibigay ng pagkilala sa mga Pilipinong nagtagumpay sa larangan ng isports sa ating bansa. Isang halimbawa nito ay si Carlos Yulo, ang batikang gymnast na nag-uwi ng dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Summer Olympics. Dahil dito, patong-patong ang kaniyang mga nakuhang gantimpalaโ€”ang 40 milyong piso mula sa gobyerno at iba pang mga handog tulad ng bahay at lupa mula sa mga pribadong kumpanya. Tunay na isang pambihirang tagumpay ito, ngunit isa ring malinaw na indikasyon sa mataas na pagpapahalagang ibinibigay ng ating lipunan sa mga nagdadala ng karangalan sa ating bansa pagdating sa larangan ng isports.

Ngunit paano naman ang mga nagbuwis ng kanilang buhay para sa bayan? Isang halimbawa naman dito si Seaman First Class Underwater Operator Jeffrey Facundo, na binigyan ng parangal na "Order of Lapu-Lapu (Kampilan Awards)" noong ika-26 ng Hunyo, 2024, dahil sa kanyang ipinakitang katapangan sa insidente sa BRP Sierra Madre. Naputulan siya ng isang daliri matapos ang matinding komprontasyon sa pagitan ng Tsina at Pilipinas sa Ayungin Shoal. Isang sakripisyong hindi matutumbasan ng anumang gantimpala, ngunit sa kabila nito, tila kapos ang pagturing sa kanyang kabayanihan.

Nakakaantig ng damdamin ang pagkakaiba ng pagtanggap ng pabuya. Si Yulo na nagdala ng gintong medalya ay tumanggap ng malaking halaga at iba pang handog. Samantala, si Facundo, na nagbuwis ng buhay, ay isang parangal lamang ang natanggapโ€” walang kasamang pinansyal na pabuya o kahit anong tulong mula sa gobyerno. Ito ba ang makatarungan?

Hindi sapat ang karangalang ibinigay kay Facundo. Bagaman mahalaga ang simbolismo ng mga parangal, hindi ito makapapawi sa mga sakripisyong ginawa ng ating mga sundalo. Nakakabahala na tila mas pinahahalagahan ng gobyerno ang mga medalya kaysa sa mga buhay na isinasakripisyo para sa kalayaan at kapayapaan ng ating bansa.

Ito ay isang malinaw na patunay ng hindi patas na pagtingin sa iba't ibang uri ng tagumpay at sakripisyo. Habang nagbibigay tayo ng malaking pabuya sa mga nagdadala ng karangalan sa bansa, tila nakakaligtaan natin ang mga bayaning handang mag-alay ng kanilang buhay para sa ating bayan. Si Jeffrey Facundo, at ang iba pang mga sundalong patuloy na nagtatanggol sa ating teritoryo ay nararapat lamang na mabigyan ng patas na pagkilala at pabuyaโ€” hindi lamang sa salita, kundi pati na rin sa gawa.

Dapat ay magkaroon ng mas pantay na pagtrato sa ating mga bayani, maging sila man ay atletang bumubuhos ng pawis o sundalong handang ialay ang kanilang dugo. Huwag nating kaligtaan na bigyang parangal at gantimpala ang mga Pilipino na buong pusong ipinagtatanggol ang ating inang bayan, dahil kung tutuusin, mas matimbang ang patak ng dugo kaysa sa tagaktak ng pawis. Samakatuwid, hindi lamang mga medalya ang dapat ipagbunyi, kundi ang mga sakripisyong hindi matutumbasan ng anumang halaga.

๐˜›๐˜ข๐˜จ๐˜ข-๐˜ธ๐˜ข๐˜ด๐˜ต๐˜ฐ ๐˜ฏ๐˜จ ๐˜ด๐˜ช๐˜ฑ๐˜ช: ๐˜“๐˜ฆ๐˜ข๐˜ณ๐˜บ ๐˜๐˜ด๐˜ข๐˜ฃ๐˜ฆ๐˜ญ๐˜ญ๐˜ฆ ๐˜”๐˜ข๐˜ฅ๐˜ช ๐˜ข๐˜ต ๐˜๐˜ช๐˜ฐ๐˜ฏ๐˜ฏ๐˜ข ๐˜”๐˜ข๐˜ณ๐˜ช๐˜ฆ ๐˜Ž. ๐˜‰๐˜ข๐˜ค๐˜ฐ๐˜ฎ๐˜ฐ
Author Image

Tungkol sa May-akda

Ma. Angel Altea M. Esqueta

Column Writer